Saturday, March 22, 2014

PART 6-a AUDIO MIXING CONSOLES


Fiesta na sa Baranggay Tagay, magkakaroon ng programa sa Plaza. May darating daw na artista, tapos kakanta pa si Meyor, bukod pa sa isang banda na inimbitahang tumugtog. Magiging busy na naman ang opisina ni Kapitan.

Kung nagtatrabaho ka sa baranggay at ikaw ang naatasang mag-handle sa pag setup at paghanda ng stage, paanong paghahanda ang gagawin mo?

Hhhmmm... merong sound system sa bodega at may budget din daw para sa gamit na kailangan pang bilihin. Anu-ano ba ang kakailanganin para sa pag-setup ng ganitong klase ng event?

Isa-isahin natin.

Syempre meron dyang mga mikropono, mga instrumento at pati na rin yung CD player kung saan tayo magpapatugtog. Halimbawang tatlong tao ang may hawak ng mikropono, papano kung ang isa ay may malakas na boses at ang isa naman ay merong napakahinang boses? Punta ka sa stage at bulungan mo yung may malakas ang boses. Sabihin mo, "Huy, baka gusto mong hinaan yung boses mo?" Tapos, mag-ready ka na rin kasi baka bukas sipain ka na sa trabaho mo.

Syempre hindi mo gagawin yun, lalo't mahirap humanap ng trabaho ngayon. Dapat meron kang "Mixing Console" o kaya "Audio Mixer" Ito ang pag-uusapan natin ngayon, ano at papano ang pag-gamit nito.

Sa ngayon, naka-classify ang Audio Mixer sa dalawang uri, ang "Analog Mixer" at ang "Digital Mixer". Wag kayong malito sa isa pang mixer, yung San Mig Coffee Mixer, dahil hindi yan kasali sa pag-uusapan natin at hindi rin yan audio mixer.

Ito ang halimbawa ng isang "Analog Mixer" o "Analog Mixing Console":

Allen & Heath ZED24


Ito naman ang halimbawa ng Digital Mixing Console:

Allen & Heath GLD-112
Maraming klase at maraming modelo ng Mixing Consoles, iba-ibang brand at iba-ibang features. Pero iisa lang ang function nito. Yun ay ang mag-timpla ng tunog na manggagaling sa mikropono, instrumento at alinmang sound-producing device.

Isa-isahin natin ang kaibahan ng dalawang klase ng mixers:

1. Signal Conversion - Ang Analog mixer ay tumatanggap ng "electrical signal" o "boltahe" mula sa mikropono o anumang input device at direktang nilalabas ito papunta sa amplifier at sa speaker. Samantalang ang Digital Mixing Console naman ay tumatanggap ng "electrical signal" mula sa source at kailangan pang i-convert ito sa digital signal (ADC Analog to Digital Conversion) para maintindihan ng Central Processor (binary digits). Ang Processor ang nagsisilbing pinaka-utak ng isang Digital Console. Kapag na-process na ang tunog ay kailangan ulit i-convert ito sa electrical signal/voltage (DAC - Digital to Analog Conversion) bago ipadala sa amplifier at sa speakers.

Kung mapapansin ninyo, mas mahaba ang prosesong kailangang gawin ng isang digital mixing console kumpara sa Analog. Dito nagkakaroon ng "millisecond " na delay ang audio signal bago ito lumabas sa speakers. Ito ang tinatawag na "Latency". Kaya minsan, kung gumagamit ka ng "In-ear monitor", mapapansin mong parang nahuhuli ng konti ang boses mo sa lumalabas sa ear phones mo. Sa Analog consoles ay hindi nararanasan ang "Latency", dahil walang delay na nagaganap sa pag process ng electrical signal dito.

2. Electrical Noise - dahil electrical current and tumatakbo sa circuit ng isang analog mixing console, mas prone ito sa "electrical noise". Kung hindi maganda ang pagkaka-disenyo ng isang analog mixer, maaaring mag-produce ito ng buzzing o humming sa tunog na lumalabas dito. Sa Digital Console naman, hindi ito nangyayari dahil ang signal na dumadaloy sa circuit nito ay digital signal.

3. Compact - Isang magandang advantage ng Digital Console ay ang pagiging "compact" nito. Ang isang analog console ay maaaring magkaroon ng "built-in digital effects" o yung tinatawag na "echo" at "reverb". Pero ang Digital Console naman ay maaaring magtaglay ng mas maraming uri ng effects kumpara sa analog. Ang signal processors na kadalasang kinakailangan sa Analog Mixing console ay mailalagay na sa software ng isang Digital Console.

Ito ang halimbawa ng "Signal Processors" na kadalasang ginagamit sa isang Analog Mixer:
Audio Rack
Maliban dun sa tatlong Amplifiers na nasa ibaba, ang equalizers, effect processors, compressors at limiters ay maaari nang pagsamahin sa loob ng isang Digital Console. Dito, malaking space ang natitipid kung gagamit ng digital. Magiging mas madali din itong buhatin at i-setup sa mga pagkakataong madalian.

4. Convenience - sa digital console, maaaring i-save ang settings ng bawat mix at pwede itong ilagay sa isang flash drive na maaaring gamitin sa ibang araw. Samantalang sa Analog Console, kailangang tandaan ang settings ng iyong mix upang magamit ulit ito sa mga katulad na pagkakataon.

5. Price - Syempre lamang ang Analog Mixer dito. Higit na mahal ang mga digital mixers kumpara sa analog, dahil na rin sa computer system nito at pagkakaroon ng sophisticated design at features. May ilang digital mixers na sinasabing umaabot ang halaga sa P37Million katulad ng Sony OXF-R3
source: http://www.dancetech.com/item.cfm?threadid=4299&lang=0

Sony OXF-R3


Paano gamitin ang isang Audio Mixing Console

Syempre bago tayo matuto gumamit ng Digital Console, kailangang malaman muna natin kung papaano gumagana ang counterpart nitong Analog Console. Papano nga ba ito nagsimula? Tara, balikan natin ang nakaraan.

Natapos ang ikalawang digmaang pandaigdig noong 1945 at naghain ng surrender letter ang Japan ika-2 ng Setyembre ng nasabi ring taon. Oh ha, naaalala ko pa. :) Tatlong taon makalipas ito, itinatag naman ni Willi Studder ang maliit na electronics factory sa Zurich, Switzerland. Dito nila ginagawa ang special high-voltage oscilloscopes, isang electronic test instrument na sumusukat sa iba't-ibang boltahe ng kuryente. Di naglaon, ang Studder company ay nag-focus sa Audio Technology at ginawa ang kauna-unahang audio mixer noong taong 1958 at pinangalanan itong Studder 69.

Dahil wala akong makitang picture ng Studder 69, ipapakita ko na lang sa inyo ang predecessor nito na "Studder 69-A"

Studder 69-A, ang unang Mixing Console (1958)


Sa paglipas ng panahon, na-develop ang audio mixer at naging moderno ang pag-gamit nito. Sa susunod na bahagi ng topic natin, tatalakayin ko kung papaano ginagamit ang isang analog mixing console.

No comments:

Post a Comment

Leave your comments or questions and I will try to answer as soon as I get back. Thank you for visiting my blogsite. :)