Wednesday, December 4, 2013

PART 2: FREQUENCIES


Ang frequency, sa Audio Acoustics ay ang dami ng “waves” na nalilikha sa isang particular na panahon at kadalasan ay sinusukat gamit ang “hertz”.

Gets?

Teka, ang lalim yata nun ah. Mukhang magulo eh. Tingnan natin sa ganitong paraan:

Nabanggit ko sa unang post ko na ang tunog ay nililikha ng waves o alon na ibinubunga naman ng pagbabanggaan ng mga molecules. Ang waves o alon na ito ay bunga ng vibrations na sanhi ng pagpapatunog sa isang source.

Katulad halimbawa ng isang “bell”. Kapag pinalo mo ang isang bell, lumilikha ito ng vibration na nagtutulak sa mga molecules at nakakarating sa mga tenga natin kaya naririnig natin ang tunog ng paghampas dito. 



Ang vibrations o waves ay may iba’t-ibang sukat. May malalaking alon at may maliliit na alon. At bawat set ng alon o waves na ito ay may iba’t-ibang uri ng tunog. Ito ang tinatawag na "Frequency".

Sinusukat ang frequency sa pamamagitan ng “hertz”. Ito ay hinango sa pangalan ni Heinrick Rudolf Hertz na nakadiskubre ng “Electromagnetic Waves”. 



Ang hertz ay tumutukoy sa isang buong cycle ng isang wave. Makikita sa sumusunod na larawan ang representasyon ng isang waveform.



Ang isang kumpletong "wavecycle" ay may isang paumbok at isang palubog na kurbada. Ang haba o taas at lalim ng isang wave ay ang "pressure level" ng tunog. Tinatawag din itong "Amplitude". Habang mas malakas ang tunog, mas mataas din ang sukat ng umbok ng isang "wave"

Sa loob ng isang Segundo, maraming waves ang nalilikha ng tunog. Kung ilang "full waves" o alon ang nilikha ng tunog sa isang segundo, ito ay tinatawag ng “hertz”.

Bigyang halimbawa natin ang 60Hz. Ang ibig sabihin nito ay nakalikha ng 60 na kumpletong "wave cycle" ang tunog sa loob ng isang Segundo. 

60 na ganito o 60 na cycles sa loob ng isang segundo:


Para mas madali nating maintindihan, pakinggan ninyo ang tunog ng 60Hz.


Kung padadamihin naman natin ang vibrations sa loob ng isang segundo, ibang tunog naman ang maririnig natin. Halimbawa, sa isang segundo ay nagkaroon ng 250 na cycles. Ito ay tinatawag na 250Hz. At kung mapapansin natin, habang mas maraming cycle sa isang segundo, mas lumiliit din ang sukat ng mga "waves" o alon.



Pakinggan naman natin ang tunog ng 250Hz.



Mapapansin din natin, na habang mas dumadami ang waves, tumataas naman ang tono ng tunog. Nangangahulugan na ang matatalas na tunog ay naglalaman ng maninipis na "waves". Samantalang ang mga malalalim na tunog ay naglalaman ng mas mahahabang "wavelengths"


Ngayon, pakinggan natin ang frequencies mula 20Hz hanggang 20,000Hz o 20KHz
Hinaan lang ang volume ng inyong speakers dahil baka batuhin kayo ng kapitbahay ninyo at masisi pa ako. Ganundin sa mga gumagamit ng headphones. Alalay lang dahil baka mabingi kayo sa mga frequencies na maririnig ninyo.


Siguro ngayon ay may idea na kayo kung ano ang frequency. Habang tumatagal kayo sa Audio Engineering, nakakabisado ninyo ang ilan sa mga frequencies na naririnig ninyo. Malaking tulong ito sa pag-calibrate ng speaker at pagpatay ng feedback. Sa unang usbong pa lang ng tunog, malalaman na ninyo kung anong frequency ang nag-iingay at madali na ninyo itong matatanggal sa pamamagitan ng pag-gamit ng equalizer.

Eh, ano ba ang equalizer? 

Steady lang. Sitback, relax, (see a movie) tatalakayin natin yan sa mga susunod na pag-aaral natin ng Audio Engineering.

No comments:

Post a Comment

Leave your comments or questions and I will try to answer as soon as I get back. Thank you for visiting my blogsite. :)