Monday, December 2, 2013

PART 1: SOUND WAVES


Opsss… teka, bago ka sumalang sa board na yan, marami ka munang dapat malaman. Mas mabuting alam mo ang prinsipyo ng tunog para mas maintindihan mo ito at malaman mo kung paano mo ito mapapa-sunod nang ayon sa kagustuhan mo.

Simulan na natin
Sound Waves

Ano ba ito? Katulad ba sya ng Tidal Wave? Blue Wave? New Wave? Etc.. Bigyan kita ng picture para mas madali nating maintindihan. 


Tingnan mo yung munting alon sa tubig. Yan ang tinatawag na wave (kaya nga english ng alon eh) Kapag naghulog tayo ng isang bagay sa tubig, lumilikha sya ng mumunting alon na lumalawak papalayo sa source o pinanggalingan ng hinulugan mong bagay. Habang lumalayo sya sa gitna, humihina ang alon hanggang sa tuluyan na itong mawala. Ganun din ang tunog. Kapag nagpatugtog tayo sa speaker, malakas sya habang malapit tayo. Pero habang lumalayo tayo, humihina naman ito.

                Kung sisilipin natin sa microscope ang hangin, makakakita tayo ng mumunting “particles” o yung tinatawag na molecules.
 (Ayan, Science na. Relax lang, madali lang ito, pramis) Kapag nagsalita tayo o lumikha ng tunog katulad ng pagpalo sa isang bagay, tinutulak ng vibration ang nakapaligid na molecules dito. Itutulak naman nya ang katabi nyang molecules at yung katabi ay itutulak din at itutulak ng itutulak ng itutulak… hanggang sa makarating sa tenga ng nakikinig. Imaginine natin ang isang crowd.

Halimbawa, tumayo ako sa isang busy place sa Divisoria. Mag-iipon ang mga tao sa harap ko, magtutulakan makapagpa-picture lang sa akin. Makamayan lang ako. Mahingi lang ang autograph ko. Yung tao sa pinaka-likod ay itutulak ang nasa harapan nya, matutulak naman ang kasunod at kasunod at kasunod pa. Hanggang sa maitulak ang pinakamalapit sa akin at bigla na lang syang mapapayakap nang hindi sinasadya. Ganyan din ang sound waves, nagtutulakan, makapagpa-autograph lang sa akin.

O siya, tama na ang pangarap, balik tayo sa realidad.

Pwede rin nating ihalintulad sa domino. Kapag itinulak mo ang isa, magtutulakan na ito ng sunod sunod hanggang sa makarating sa dulong domino.


Gusto kong mag-post ng video mula sa youtube pero hindi ko alam kung may copyright infringement yun eh. Try na lang natin. Sana ok lang hehehe… Mas madali kasing maintindihan kung navi-visualize ninyo. Ito ang isang video na kinuha ko mula sa Youtube.com. Bigyan natin ng credit ang uploader. Ito po ay galing sa post ng "Design Squad Nation" 

Panoorin ninyo: 

Makikita sa video na tinutulak ng mga molecules ang katabi pang mga molecules papalayo sa source. Ito ang nilikha ng vibration o ang tinatawag natin na "tunog". Sa pagtutulakan ng mga molecules, kadalasan ay makakaranas ito ng mga sagabal sa daan bago makarating sa tenga ng mga nakikinig. Katulad ng pader, mga tao, at mga kung anu-ano pang harang. At dahil sa mga harang na ito, nagiiba ang tunog na naririnig natin. Humihina depende sa laki o uri ng humaharang sa sound waves.

Kaya makikita natin ang kahalagahan ng tamang pagposisyon ng mga speakers. Dapat itong inilalagay sa isang lugar kung saan walang nakakaharang sa tunog mula dito hanggang sa tenga ng mga makikinig.

At naiintindihan na rin natin na ang tunog ay higit na apektado sa isang mahangin na lugar dahil tinatangay ng hangin ang mga molecules na dapat ay direktang makakarating sa mga tenga ng makikinig.

At dahil "waves" ang pinaguusapan dito, binigyan ng representasyon sa larangan ng audio acoustics ang bagay na ito. Makikita sa larawan ang representasyon ng "soundwaves" sa Physics.


Masalimuot pa ang pagtalakay sa branch ng Physics na ito. Mas minabuti kong ihiwalay ang topic na yan dahil baka ma-boring ka lang at di na tumuloy pa sa pagbabasa. Kasalanan ko pa tuloy kung mawalan ka ng interes sa sound engineering. :)

O ayan, sana may natutunan o naintindihan ka tungkol sa soundwaves. Mapapakinabangan mo yan sa bagong career mo. Pramis.

No comments:

Post a Comment

Leave your comments or questions and I will try to answer as soon as I get back. Thank you for visiting my blogsite. :)