Bago ang "hardware" topics natin, inisip ko munang talakayin ang mga theories at terminologies sa larangan ng Audio Acoustics. Katulad ng "reverberation", "sound pressure", "sound reflection", "acoustic absorption", "amplitude", etc., etc..Pero naisip ko rin na kung nasa isang classroom tayo at ito ang magiging topic ko, tiyak na tutulugan nyo ko. Lalo na sa mga baguhan na kating-kati nang humawak ng mga audio equipment, syempre gusto nating tumalon na agad sa pool at magtampisaw kahit hindi pa natin sinusukat kung malamig ang tubig o mainit, mababaw o malalim, amoy ihi o... di bale na nga.
Kaya, sige na nga, unahin ko munang ipaliwanag ang functions ng mga gagamitin natin kasabay na rin ng pagpapaliwanag sa konting acoustic lessons na kadikit nito. Kaya theories, tabi ka muna. hardware, come to mama.
Mas malamang sa hindi, nakakita na kayo nito:
Kung hindi pa, paki-check na lang kung saan ka nakatira, baka naman naiwan ka pa sa bundok ng Tiririt at hinahanap ang Ibong Adarna. Move on ka na, 'te, 2014 na. Hehehe...
Syempre joke lang yun.
Equalizer ang tawag dyan. Madalas makikita ito sa mga parties, concerts, stage activities at maging sa mga maliliit na pagtitipon na ginagamitan ng malalaki at maliliit na speakers. Meron ding mga virtual equalizers, katulad ng makikita mo sa Windows Operating system mo.
Ang maliliit na hinihilang pababa at tinutulak pataas ay tinatawag na "sliders". Basically, ang equalizer ay parang volume control ng tunog. Hilahin mong sagad pababa lahat ng sliders, mawawala ang tunog. Itulak mo naman pataas lahat ng sliders, lalakas ang tunog.
Pero, para saan pa 'to kung meron naman tayong "volume control"? Eh di dun na lang natin sa totoong "volume control" hinaan at lakasan ang tunog.
Tama naman, pero hindi kasi yun ang function ng equalizer kaya ito ginawa. Ginawa ang equalizer upang mapili natin kung anong frequency ang kailangan nating itaas at kailangan nating ibaba.
Bakit ganun? Bakit kailangan nating magtaas at magbaba ng mga frequencies?
Nabanggit ko sa naunang topic ko dito sa blog kung ano ang "Frequency". Minsan sa mga pagtitipon na ginagamitan ng microphone, nakakarinig tayo ng tinatawag na "Feedback". Ang feedback na ito ay ang resulta ng pagpasok ng tunog sa microphone, palabas ng speaker, pabalik ng microphone, palabas ng speaker, pabalik ng microphone ng paulit-ulit, ulit-ulit, ulit-ulit. At dahil sa paulit-ulit na paglabas-pasok ng tunog sa audio system, naa-amplify o napapalakas nito ang tunog na iyon. At ito ang tinatawag na "Feedback".
Kung tayo ang may hawak ng mikropono at nangyari sa atin ang feedback, naging natural reaction na natin na takpan ng kamay ang mikropono o ilayo ito sa speaker para huminto ang feedback. Tama rin naman. Dahil sa paglayo natin ng mic mula sa speaker, napuputol ang koneksyon ng tunog dito at tumitigil ang paglabas pasok nito sa dalawang audio equipment.
Ang mas epektibong paraan ng pagpatay ng feedback ay ang pag-gamit ng "Equalizer". Sa pagsasanay natin sa larangan ng sound engineering, minsan ay nakakabisado na natin ang pangalan ng mga frequencies. Halimbawa, ang sipol ng tren mula sa nakasanayan mong lugar ay nagtataglay ng 1000Hz o 1KHz, nakakabisado mo ito dahil sa araw-araw mo syang naririnig. Ganun din sa pagtimpla ng tunog sa Live Applications. Kung parati tayong nae-expose sa iba't-ibang uri ng feedback araw-araw, mas madalas ay nakakabisado natin ito.
Sa unang bugso pa lang ng feedback, awtomatik na ang daliri natin na hihila sa frequency ng slider pababa. Ito ang isa sa mga katangian ng isang audio engineer. Bagkus hindi naman kinakailangang makabisado natin lahat ng tunog, ang pagsasanay sa ganitong paraan ay malaking tulong na mapabilis at mapahusay pa ang pag-timpla natin nito.
Ang larawang nasa baba ay nagtataglay ng 15 na frequencies. Ito ay nagmumula sa 25Hz at nagtatapos sa 16,000Hz o 16KHz. Mula sa pinaka-malalim na tunog sa kaliwa, ang mga sliders papunta sa kanan ay nagtataglay naman ng tunog na patalas ng patalas.
Mapapansing dalawang set ng equalizers ang makikita sa larawan. Ito ang tinatawag na "stereo", merong Left at merong "Right". Parang to the left to the right, umikot ng sabay-sabay. Byebye suklay do the *bleep, bleep... ehe..
Left and Right kasi ang tawag kapag "stereo sound. Parang tenga ng normal na tao, meron left at merong right. So far, wala pa naman akong nakitang tao na may tenga sa middle kaya makuntento na muna tayo sa Stereo sound sa ngayon.
TIP:
Huwag na huwag gayahin ang ganitong setup ng equalizer:
"Smiley Face Curve" ang tawag namin dito. Dahil syempre, para syang naka-smile. At pag nakakakita ako ng ganitong setup, napapa-smile din ako. hehehe...
Kadalasang makikita ang ganitong position ng sliders sa mga equalizers ng Jeep at minsan sa mga audio system sa bahay-bahay. Wala namang masama kung gusto nila ang ganitong tunog, pero sa ganitong posisyon kasi, hindi natin nagagamit ng maayos ang mas magandang tunog ng speaker. Inaangat nito ang low frequencies ganundin ang high frequencies, samantalang pinapatay naman nito ang mid frequencies.
Sa pagtimpla ng equalizers, pumipili ako ng isang kanta o tugtog na kabisado ko na ang tunog. Yun ang pinapatugtog ko sa Sound System at pinapakinggan kung ano ang mga frequencies na hindi kailangan at yun ang hinihila ko paisa-isa. Sa isang set ng magandang speakers, hindi na kailangan pang mag-boost o mag-angat ng slider, kadalasan ay puro pababa lang ang ina-adjust dito. Sa pagkakataon naman na gumagamit ng hindi dekalidad na speakers, dun lang ako nag-aangat ng frequencies na sa tingin ko ay kailangang dagdagan.
Bukod sa pag-adjust ng tunog gamit ang isang kabisadong tugtog, ginagalaw din ang equalizer para patayin ang "huni" ng feedback. Sa pagkakataong marinig ang feedback, kapain ang pinaghihinalaang frequency at dahan-dahang iangat ito hanggang marinig ang katulad na tunog. Kapag nakuha na ang tunog na katulad ng feedback sa pamamagitan ng pag-boost o pag-angat ng slider, dahan-dahan naman itong ibaba hanggang sa mawala nang tuluyan ang feedback.
Tandaan, huwag galawin ang Stereo equalizer kung gustong i-adjust ang tunog ng isang mikropono. Gamitin ang semi-parametric equalizer na matatagpuan sa mixing board kung isang mic lang ang kailangang timplahin.
Semi-parametric equalizer? Ano na naman yan? Teka, ibang topic na yan. Tatalakayin din natin yan sa mga susunod na pag-aaral natin. Samantala, sana may natutunan kayo sa Audio Equalizer basics natin ngayon.
Until next reading, happy tweaking sa inyo. :)
No comments:
Post a Comment
Leave your comments or questions and I will try to answer as soon as I get back. Thank you for visiting my blogsite. :)