Thursday, December 5, 2013

PART 4: DECIBELS


Sa larangan ng Audio Acoustics, marami tayong maririnig na mga salita na maaaring wala kayong idea kung ano ba ito. Dito, ay isa-isa kong ipapaliwanag ang ibig sabihin ng mga salitang maaaring hindi pa natin alam ang ibig sabihin.


Decibel (dB) 

Sa pangalan muna tayo mag-focus. Ang salitang ito ay "portmanteau" o pagsasama ng dalawang salita para makabuo ng isa pang bagong salita. "Deci" at "Bel". Ang Deci ay hinango sa salitang latin na "Decimus" na ang ibig sabihin ay "ika-sampu". Samantalang ang Bel ay hinango sa "form of measurement" na galing naman sa pangalan ni Alexander Graham Bell.


Kung literal natin na ita-translate sa tagalog, ang ibig sabihin nito ay "Ika-sampu ng Bel o "pang-sampu ng bel".

Magulo ba? Read on.

Ano ba ang "Bel"? Alam nating isa itong unit ng measurement. Pero, ano ito at paano ito ginagamit?

Halimbawa, meron kang sampung itlog. Sinulatan mo ang bawat isang itlog ng numero mula 1 hanggang 10. Ang ika-sampung itlog mo ay ang iyong "Deci-Egg" at ang grupo ng sampung itlog mo ay tinawag na "Eggs"



Magulo pa rin? Eto pa example:

1. Ang isang "Eggs" ay katumbas ng sampung "Deci-Egg"

2. Ang isang Bel ay katumbas ng sampung "Decibel" ( 10 Decibels = 1 Bel)

Yan, sana malinaw na, para maka move-on naman tayo.

Sa katotohanan, ang "Decibel" ay hindi unit ng measurement katulad ng kilo, miles, weight, etc.. Ito ay ratio o pagkukumpara sa isang existing unit. Katulad sa pagsukat sa taas ng isang bundok o lipad ng isang eroplano. Sinusukat ang taas nito kumpara sa level ng dagat. Hindi sa level ng bubong ng bahay ninyo o sa level ng building sa Makati.

Halimbawa: Ang eroplano ay lumilipad sa taas na 30,000 feet. 30,000 feet mula saan? Mula ba sa puno ng aratilis sa bakuran ni Aling Bebang? Hindi. Kinukumpara ito sa level ng tubig dagat.

Kaya: Ang eroplano ay lumilipad sa taas na 30,000 feet mula sa level ng tubig dagat.

Makes sense?

Ganun din ang "Decibels" Isa itong ratio na kinukumpara sa isang "base". Ang 10dB ay walang saysay kung wala itong pinagkukumparahan. 10dB mula saan?

Mayroong tatlong standards na pinagkukumparahan ang decibel.

Ito ay ang:

1. dBu = .775V RMS
2. dBv = .775V RMS
3. dBV = 1V RMS

Pwede nating sabihin na: "Ang Decibel ay lakas ng tunog na ikinukumpara sa isa pang lakas ng tunog. Dalawang audio signals na sinusukat kung gaano kalakas ang isa mula sa isa pang signal."

Pero, papaano ito nagagamit sa Sound Engineering?

Halimbawa, nag-uusap ang dalawang magkaibigan:


Dahil walang measurement na sinusunod sila Pedro at Juan, ikinukumpara lang nila ang tunog sa isang bagay na pamilyar na sila.

Pero kung halimbawang meron tayong pinagkukumparahan, maaari natin itong sabihin sa pagbanggit ng measurement o palatandaan katulad ng "Decibels".

Ikinukumpara ito base sa normal pandinig ng isang tao. Ang "0" dB ay ang pinakamababang tunog na maaaring marinig ng isang tao.

Sampung ulit mula sa pinakamahinang tunog na maririnig ng tao ay.... 10dB.

0dB x 10 = 10dB

Pero kung dalampung ulit o 20 times ng pinakamahinang tunog o 0dB... ilan?

20dB?


MALI. Ang tamang sagot ay 100dB.

0dB x 20 = 100dB

Bakit ganun?

Dahil ang Decibels ay naka-base sa ratio ng sampu.

10 times ng 0dB ay = 10dB
20 times ng 0dB ay 100dB
30 times ng 0dB ay 1000dB

Alam ko, naguguluhan ka pa rin. Tandaan na lang natin na ang pagdoble ng Decibels ay hindi nangangahulugan na doble rin ang lakas ng tunog. Kung dodoblehin mo ang tunog na nasa 10dB, hindi mo makukuha ang 20dB. Kailangan mo ng sampung ulit ng 10dB para makuha mo ang 20dB.

Whew...

Para magkaroon tayo ng idea, ipapakita ko sa inyo ang mga iba't-ibang lakas at kung ilang deciBels ang sukat nito:


Sa mga susunod na lessons ay tatalakayin natin kung paano inaapply ang iba't-ibang standards ng measurement sa Sound Pressure Level.

Pansamantala, sana ay nalinawan kayo sa kung ano ang pinagmulan o pinanggalingan ng salitang "Decibel".




Wednesday, December 4, 2013

Part 3: FLETCHER-MUNSON CURVE


Ayy... ano yan? Habagat ba yan? Parang Southwest Monsoon? Mahalaga ba yan sa Audio Engineering?

Oo naman. Eto, paliwanag ko sayo:

Una, wala itong kinalaman sa "Monsoon" o hanging habagat. Pangalawa, ang Fletcher-Munson Curves ay hinango sa pangalan ng dalawang Bell Labs Engineers na sina Harvey Fletcher at Wilden Munson. Pareho pong lalake yan at hindi sila mag-asawa.


Pinag-aralan nila ang tunog at kung paano nagre-respond ang tenga ng tao dito. Sinabi nila Fletcher at Munson na ang ating pandinig ay mas lalong sensitibo sa pagitan ng 3,000 to 4,000 Hertz. Ibig sabihin, mas malakas nating naririnig ang tunog habang papalapit tayo sa 3,000 to 4,000 Hz mark.

Upang maipaliwanag ng husto ang ganitong "phenomenon, gumuhit sila ng isang chart na nagpapakita ng kurbada kung saan inilalarawan ang mga frequencies na mas sensitibo sa pandinig ng karaniwang tao.




Kung magpapatunog tayo mula sa 20Hz Frequency hanggang sa 20,000Hz frequency nang walang babaguhin sa volume, dapat ay maririnig natin ang tunog na pantay at hindi lumalakas o humihina. Subalit mapapansin natin na habang lumalapit tayo sa 3,000 at 4,000 Hz, mistulang lumalakas ang tunog. Ito ay sa kadahilanang mas sensitibo ang ating tenga sa frequency sa paligid nito.

1933 nang simulan nila Fletcher at Munson ang pag-aaral tungkol dito. 1937 naman nang ilabas nila ang resulta ng kanilang pagsasaliksik.

Noong 1956, binago nina Robinson at Dadson ang kurbada sa mas accurate na pagsasalarawan.. Tinawag nila itong "Equal Loudness Contour" at ito ay tinanggap bilang ISO 226 Standard.


Tingnan natin ang chart. Sa pinakahuling kurbada sa bandang 1500Hz mark, nasa 10decibels ang lakas nito. Kung gusto natin na marinig ang 20Hz na mistulang kasing lakas ng nasa 1500Hz, kailangang lakasan natin ang volume hanggang sa bandang 78Decibels. (tingnan sa kaliwang bahagi ng chart) Kung 20dB naman ang lakas ng 1500Hz, dapat nating iangat ang volume sa 80dB para maging katulad nito ang lakas ng tunog.

Papano natin mapapakinabangan ang "Equal Loudness Curve" sa pagtimpla natin ng tunog?

Isang halimbawa ang bass guitar. Kadalasang mas mataas ang level ng volume nito kumpara sa ibang mga instrumento. Ito ay dahil sa ang Low Frequency na dinadala nito ay hindi natin gaanong marinig kung kayat kailangan nating mag boost ng humigit-kumulang sa 8 beses kumpara sa volume ng iba.

Pero teka, hindi basta ganun yun. May mga dinadalang frequencies ang bass guitar na hindi kailangang i-boost ng ganun. Kaya dapat gumamit ng equalizer.

Fletcher-Munson Curve or Equal Loudness Curve, explained. Next lesson muna tayo.

PART 2: FREQUENCIES


Ang frequency, sa Audio Acoustics ay ang dami ng “waves” na nalilikha sa isang particular na panahon at kadalasan ay sinusukat gamit ang “hertz”.

Gets?

Teka, ang lalim yata nun ah. Mukhang magulo eh. Tingnan natin sa ganitong paraan:

Nabanggit ko sa unang post ko na ang tunog ay nililikha ng waves o alon na ibinubunga naman ng pagbabanggaan ng mga molecules. Ang waves o alon na ito ay bunga ng vibrations na sanhi ng pagpapatunog sa isang source.

Katulad halimbawa ng isang “bell”. Kapag pinalo mo ang isang bell, lumilikha ito ng vibration na nagtutulak sa mga molecules at nakakarating sa mga tenga natin kaya naririnig natin ang tunog ng paghampas dito. 



Ang vibrations o waves ay may iba’t-ibang sukat. May malalaking alon at may maliliit na alon. At bawat set ng alon o waves na ito ay may iba’t-ibang uri ng tunog. Ito ang tinatawag na "Frequency".

Sinusukat ang frequency sa pamamagitan ng “hertz”. Ito ay hinango sa pangalan ni Heinrick Rudolf Hertz na nakadiskubre ng “Electromagnetic Waves”. 



Ang hertz ay tumutukoy sa isang buong cycle ng isang wave. Makikita sa sumusunod na larawan ang representasyon ng isang waveform.



Ang isang kumpletong "wavecycle" ay may isang paumbok at isang palubog na kurbada. Ang haba o taas at lalim ng isang wave ay ang "pressure level" ng tunog. Tinatawag din itong "Amplitude". Habang mas malakas ang tunog, mas mataas din ang sukat ng umbok ng isang "wave"

Sa loob ng isang Segundo, maraming waves ang nalilikha ng tunog. Kung ilang "full waves" o alon ang nilikha ng tunog sa isang segundo, ito ay tinatawag ng “hertz”.

Bigyang halimbawa natin ang 60Hz. Ang ibig sabihin nito ay nakalikha ng 60 na kumpletong "wave cycle" ang tunog sa loob ng isang Segundo. 

60 na ganito o 60 na cycles sa loob ng isang segundo:


Para mas madali nating maintindihan, pakinggan ninyo ang tunog ng 60Hz.


Kung padadamihin naman natin ang vibrations sa loob ng isang segundo, ibang tunog naman ang maririnig natin. Halimbawa, sa isang segundo ay nagkaroon ng 250 na cycles. Ito ay tinatawag na 250Hz. At kung mapapansin natin, habang mas maraming cycle sa isang segundo, mas lumiliit din ang sukat ng mga "waves" o alon.



Pakinggan naman natin ang tunog ng 250Hz.



Mapapansin din natin, na habang mas dumadami ang waves, tumataas naman ang tono ng tunog. Nangangahulugan na ang matatalas na tunog ay naglalaman ng maninipis na "waves". Samantalang ang mga malalalim na tunog ay naglalaman ng mas mahahabang "wavelengths"


Ngayon, pakinggan natin ang frequencies mula 20Hz hanggang 20,000Hz o 20KHz
Hinaan lang ang volume ng inyong speakers dahil baka batuhin kayo ng kapitbahay ninyo at masisi pa ako. Ganundin sa mga gumagamit ng headphones. Alalay lang dahil baka mabingi kayo sa mga frequencies na maririnig ninyo.


Siguro ngayon ay may idea na kayo kung ano ang frequency. Habang tumatagal kayo sa Audio Engineering, nakakabisado ninyo ang ilan sa mga frequencies na naririnig ninyo. Malaking tulong ito sa pag-calibrate ng speaker at pagpatay ng feedback. Sa unang usbong pa lang ng tunog, malalaman na ninyo kung anong frequency ang nag-iingay at madali na ninyo itong matatanggal sa pamamagitan ng pag-gamit ng equalizer.

Eh, ano ba ang equalizer? 

Steady lang. Sitback, relax, (see a movie) tatalakayin natin yan sa mga susunod na pag-aaral natin ng Audio Engineering.

Monday, December 2, 2013

PART 1: SOUND WAVES


Opsss… teka, bago ka sumalang sa board na yan, marami ka munang dapat malaman. Mas mabuting alam mo ang prinsipyo ng tunog para mas maintindihan mo ito at malaman mo kung paano mo ito mapapa-sunod nang ayon sa kagustuhan mo.

Simulan na natin
Sound Waves

Ano ba ito? Katulad ba sya ng Tidal Wave? Blue Wave? New Wave? Etc.. Bigyan kita ng picture para mas madali nating maintindihan. 


Tingnan mo yung munting alon sa tubig. Yan ang tinatawag na wave (kaya nga english ng alon eh) Kapag naghulog tayo ng isang bagay sa tubig, lumilikha sya ng mumunting alon na lumalawak papalayo sa source o pinanggalingan ng hinulugan mong bagay. Habang lumalayo sya sa gitna, humihina ang alon hanggang sa tuluyan na itong mawala. Ganun din ang tunog. Kapag nagpatugtog tayo sa speaker, malakas sya habang malapit tayo. Pero habang lumalayo tayo, humihina naman ito.

                Kung sisilipin natin sa microscope ang hangin, makakakita tayo ng mumunting “particles” o yung tinatawag na molecules.
 (Ayan, Science na. Relax lang, madali lang ito, pramis) Kapag nagsalita tayo o lumikha ng tunog katulad ng pagpalo sa isang bagay, tinutulak ng vibration ang nakapaligid na molecules dito. Itutulak naman nya ang katabi nyang molecules at yung katabi ay itutulak din at itutulak ng itutulak ng itutulak… hanggang sa makarating sa tenga ng nakikinig. Imaginine natin ang isang crowd.

Halimbawa, tumayo ako sa isang busy place sa Divisoria. Mag-iipon ang mga tao sa harap ko, magtutulakan makapagpa-picture lang sa akin. Makamayan lang ako. Mahingi lang ang autograph ko. Yung tao sa pinaka-likod ay itutulak ang nasa harapan nya, matutulak naman ang kasunod at kasunod at kasunod pa. Hanggang sa maitulak ang pinakamalapit sa akin at bigla na lang syang mapapayakap nang hindi sinasadya. Ganyan din ang sound waves, nagtutulakan, makapagpa-autograph lang sa akin.

O siya, tama na ang pangarap, balik tayo sa realidad.

Pwede rin nating ihalintulad sa domino. Kapag itinulak mo ang isa, magtutulakan na ito ng sunod sunod hanggang sa makarating sa dulong domino.


Gusto kong mag-post ng video mula sa youtube pero hindi ko alam kung may copyright infringement yun eh. Try na lang natin. Sana ok lang hehehe… Mas madali kasing maintindihan kung navi-visualize ninyo. Ito ang isang video na kinuha ko mula sa Youtube.com. Bigyan natin ng credit ang uploader. Ito po ay galing sa post ng "Design Squad Nation" 

Panoorin ninyo: 

Makikita sa video na tinutulak ng mga molecules ang katabi pang mga molecules papalayo sa source. Ito ang nilikha ng vibration o ang tinatawag natin na "tunog". Sa pagtutulakan ng mga molecules, kadalasan ay makakaranas ito ng mga sagabal sa daan bago makarating sa tenga ng mga nakikinig. Katulad ng pader, mga tao, at mga kung anu-ano pang harang. At dahil sa mga harang na ito, nagiiba ang tunog na naririnig natin. Humihina depende sa laki o uri ng humaharang sa sound waves.

Kaya makikita natin ang kahalagahan ng tamang pagposisyon ng mga speakers. Dapat itong inilalagay sa isang lugar kung saan walang nakakaharang sa tunog mula dito hanggang sa tenga ng mga makikinig.

At naiintindihan na rin natin na ang tunog ay higit na apektado sa isang mahangin na lugar dahil tinatangay ng hangin ang mga molecules na dapat ay direktang makakarating sa mga tenga ng makikinig.

At dahil "waves" ang pinaguusapan dito, binigyan ng representasyon sa larangan ng audio acoustics ang bagay na ito. Makikita sa larawan ang representasyon ng "soundwaves" sa Physics.


Masalimuot pa ang pagtalakay sa branch ng Physics na ito. Mas minabuti kong ihiwalay ang topic na yan dahil baka ma-boring ka lang at di na tumuloy pa sa pagbabasa. Kasalanan ko pa tuloy kung mawalan ka ng interes sa sound engineering. :)

O ayan, sana may natutunan o naintindihan ka tungkol sa soundwaves. Mapapakinabangan mo yan sa bagong career mo. Pramis.

INTRODUCTION





"Gusto kong maging Live Sound Engineer"

Madalas kong marinig yan sa mga kaibigan ko. Marami na rin ang nagbanggit ng mga salitang "Turuan mo naman ako nyan". "Bakit Hindi?" yan naman ang parating sagot ko. At madalas sinusundan ng mga katanungang "Mahirap ba?"

Mahirap nga ba?

Sa dami ng pihitan ng isang mixing board at sa dami ng kableng tinutusok at ikinakabit dito, hindi nga malabong isipin ng karaniwang tao na "Mahirap nga". Magulo, masalimuot, nakakalito, yan ang unang impression sa harap ng audio mixing console.

Pero, maniwala ka sakin. Madali lang ito. Alam mo ba kung nasaan ang kanan at kaliwa? Hindi ka naman siguro bingi at bulag, at marunong ka rin naman sigurong bumasa at sumulat, 'di ba? Kaya wag ka nang mag-alala, magsama tayong mangarap. Tahakin natin ang career mo sa larangan ng Audio Engineering.

Sound Engineer or Audio Engineer  Wow, bigatin. Ganda ng pangalan. Ano nga ba ito? Itanong natin kay pareng Wiki.

"An audio engineer is concerned with the recording, manipulation, mixing and reproduction of sound. Many audio engineers creatively use technologies to produce sound for film, radio, television, music, electronic products and computer games.[1]Alternatively, the term audio engineer can refer to a scientist or engineer who develops new audio technologies working within the field of acoustical engineering.[2]

Audio engineering concerns the creative and practical aspects of sounds including speech and music, as well as the development of new audio technologies and advancing scientific understanding of audible sound.[2]"


Ayun. It involves mixing and reproduction of sounds daw. Marami pa rin ang hindi tumatanggap na tawaging Audio Engineer o Sound Engineer ang mga ordinaryong technician na makikita natin sa pangkaraniwang events. Mas gusto nilang tawagin itong "Sound Operators". Hindi ko alam kung isa itong uri ng diskriminasyon. Para sa akin, hindi na mahalaga ang katawagan sa nagpapatunog o nagtitimpla ng tunog. Kahit anong itawag ninyo sakin ay ayos lang. Wala akong Engineering Degree kaya wala akong lisensyang hinahawakan. Pero ginagawa ko ang ginagawa ng isang Sound Engineer kaya ano ang dapat itawag sa akin? Pwede na sigurong "Aspiring" Sound Engineer Hahaha...

Para sa akin, ikaw na nagtitimpla ng tunog, ikaw na nagpo-produce ng tunog, ikaw na nag-aaral tungkol sa tunog, sa paningin ko, isa kang Sound Engineer. Wag nyo na ipaalam sa iba. Secret na lang natin ito. Mga Engineers tayo. ;-)



MAIKLING KWENTO

Paano ba ako nagsimula? Alam kong wala kayong pakialam sa kung papano ako napunta dito. Buti sana kung gwapo ako at bading kayo. Hindi rin naman ako magandang chick para pagka-interesan ninyo. Pero siguro kailangan kong ikwento sa inyo kung papano ako naipakilala sa ganitong career. Baka sakaling kapulutan ninyo ng kahit na konting inspirasyon at malay natin, maisip ninyo na kung itong kamote na 'to eh natuto, bakit hindi ako?

Hindi ko na maalala kung kailan pero medyo matagal na rin. Mahigit isang dekada na rin ang nakararaan simula nang una kong nahawakan ang isang mixing console. (Ok na yan. Wag nyo na tanungin kung anong taon, kasi lalabas na matanda na ako) Nauna akong matuto sa pag-program ng Laser gamit ang Pangolin Software. Utang ko kay Tim Bennett ng Argon Animation ang pagkakatuto ko sa laser animation, design and production. Eto yung makikita ninyo na green na laser beam na nakakabuo ng iba't-ibang hugis o korte. Pinagpupuyatan ko noon ang pag "digitise" ng mga images nito. Iba't-ibang logos, animation at patterns ang nalilikha sa pag-gamit ng laser program. SOP ng Channel 7, Philip Morris, Ayala Center, SM Malls at marami pang iba, sila ang mga kliyente namin na sinusuplayan ng mga laser shows sa iba't-ibang lugar, hindi lang sa Luzon, maging sa Visayas at sa Mindanao.

At dahil na-expose ako sa laser programming, naaliw ako sa sayaw ng mga ilaw sa stage. Ang pagpapalit ng mga kulay, pagdidisenyo at pagbibigay buhay sa mga karakter na lumalabas sa entablado. "Ito! Ito ang gusto kong gawin. Gusto kong maging isang Lighting Director. Katulad nila Kuya Dom, Kuya Bong, Shakira at John Batalla". Ilan sila sa mga respetadong Lighting Designers dito sa Pilipinas.  Take note, hindi lang respeto ang inuuwi nila sa tuwing matatapos ang bawat show na ginagawa nila. Nag-uuwi din sila ng sapat na kita mula sa kakayahan nila sa pagdidisenyo ng ilaw. Sa madaling salita, may pera sa ganitong trabaho. Maganda ang kita.

Ayun, kumislap ang mga mata ko at nangarap ako. Nangarap akong maging isang Lighting Designer. Nag-attend ako ng workshop ni Sir Joey Nombres sa CCP noon. Bagamat nakapag-hulog ako ng down payment, hindi ko na nabayaran yung mga susunod pang bayarin kaya napilitan akong hindi na magpatuloy sa pag-aaral. Iyon na ang huli kong sabak sa pagtahak ng landas sa Lighting Designs. Goodbye.

Kung hindi ako nagkakamali, mga tatlong taon lang akong nanatili sa Argon Animation. Nagpaalam ako sa Argon at nag-concentrate sa pagdo-drawing noong mga panahon na iyon. Hanggang isang araw, tinawagan ako ni Ramon (dati kong kasamahan sa Argon) para tauhan ang isang maliit na Sound System rental na negosyo ng brother in-law nya. dun ko nakilala si Jay Server. Sya ang may-ari ng Ear Candy (parang sweet sound). Unang araw ko, sabak agad sa isang event. Buti na lang, mabait si Jay at hindi nya ako iniwan noon. Halos sya ang nagtitimpla ng tunog. Tumulong lang ako sa pagbuhat at pagsetup ng gamit. Dalawang speakers at isang mixer. Yun lang. Kaya dalawa lang kaming pumunta sa Ateneo De Manila University. (Naaalala ko pa ah hehehe)

Nasundan pa iyon ng ilang mga setup. Madalas sa Yaku Bar sa Makati. Pang Acoustic ang setup at madalas ay "Overtone" ang tumutugtog. Unang sabak ko sa Yaku Bar, solo na ako. Ipinaliwanag sa akin kung ano lang ang dapat kong pihitin at kung ano ang dapat iwasan. Feeling ko, naiinis sa akin yung mga banda. Pano ba naman eh hindi ko talaga alam ang ginagawa ko. May pihitan na kulay blue, may pula, may gray , etc.. Mabuti na lang, mababait sila. At mabuti na lang at may extra pa yung mga pisi nila ng pasensya. Natatapos ang gig sa ganoong sitwasyon, pero hindi doon natatapos ang pananaw ko. "Hindi ko ginagawa ito para lang kumita ng pera. Ginagawa ko ito para umangat sa larangan kung saan ako niluklok ng tadhana". (niluklok.. naks lalem)

Hinanap ko ang manual ng mixer, binabasa ko iyon tuwing gabi. Pinag-aaralang mabuti ang functions ng bawat pihitan. Inalam ko ang mga bagay na dapat kong malaman.

Nagbukas ang Capones Bistro sa Valero makalipas ang ilang linggo. Doon ay lalo akong na-expose sa pagpihit ng mixer. Na-expose pero salat pa rin sa kaalaman. Bobo pa rin ako, ika nga. Walang alam sa acoustics, mic placement, pag-gamit ng equalizer, etc., etc..

Dumating ang pagkakataon na may nakita ako sa internet na magdadaos ng isang workshop kung saan magfa-facilitate ang dalawang British Sound Engineers. Tinawag itong "Audio Engineering for Live Applications" Hindi ako nag-aksaya ng panahon at dinaluhan ko ang workshop na yun. Dun marami akong nakilala na pundasyon na rin ng Audio Engineering dito sa Pilipinas ngayon. Natuto ako at nagkaroon ng certificate. Nagkaroon ng mga bagong kaibigan at nakipagpalitan ng kaalaman sa ganitong larangan. Nagsimula akong humakbang sa unang baitang ng aking bagong career.

Sa tuwing may nababalitaan akong workshop, umaattend ako. May bayad man o wala. Pero mas madalas gumagastos ako sa mga seminars at workshops. Kabilang na dyan yung sa British Council of the Philippines at yung sa Institute of Audio and Acoustics. Kapag may mga product demos at convention, hanggat maaari dinadaluhan ko dahil gusto kong maging updated sa mga bagong sound system. Naging uhaw ako sa impormasyon at karunungan sa ganitong kalakaran. Gusto kong matuto at mag-aral ng mag-aral. Wala nang talikuran, nandito na ako at ito ang tatahakin ko.

One gig after another. Iba't-ibang banda, singer at performers ang hinawakan ko. Naranasan ko ang ibat't-ibang pakikitungo ng mga artists sa akin. Naranasan kong matulog sa ilalim ng stage. Naranasan kong kumain sa styro-containers sa likod ng stage. Naranasan kong magbuhat ng mabibigat na speakers, mag rolyo ng kable, maputikan ang mga kamay, hindi kumain buong araw habang nagtatrabaho, mabasa ng ulan, umakyat sa 20-feet na trusses na walang harness (wag nyong gayahin yun), mamura, masaktan, masugatan at naranasan ko ring sa kabila ng mga hirap na ito, ay umuwi kami ng may mga ngiti sa labi. Dahil ang pinaghirapan namin ay nagdala ng kasiyahan sa mga manonood.

Ito ang karanasan ko, minsan mahirap, pero madalas ay masaya.

Kung handa kang danasin ang mga bagay na pinagdaanan ko, tara, ituturo ko sayo ang daan.


-Charlie Morales 12032013
Quezon City